35Gumawa naman si Saul ng altar para sa Panginoon. Iyon ang unang altar na ginawa niya.
36Sinabi ni Saul, “Sasalakayin natin ngayong gabi ang mga Filisteo at lilipulin natin sila hanggang sa umaga, sasamsamin natin ang mga ari-arian nila at papatayin silang lahat. Wala tayong ititirang buháy.” Sumagot ang mga tao, “Gawin nʼyo po kung ano sa tingin nʼyo ang mabuti.” Ngunit sinabi ng pari, “Tanungin muna natin ang Diyos tungkol sa bagay na ito.”
37Kaya nagtanong si Saul sa Diyos, “Sasalakayin po ba namin ang mga Filisteo? Ipapatalo nʼyo ba sila sa amin?” Ngunit hindi sumagot ang Diyos nang araw na iyon.
38Kaya sinabi ni Saul sa mga pinuno ng mga mamamayan ng Israel, “Magtipon kayong lahat dito. Kailangang malaman natin kung ano ang kasalanang nagawa natin sa araw na ito.
39Isinusumpa ko sa ngalan ng buháy na Panginoon na nagligtas sa mga Israelita, mamamatay ang nagkasala kahit siya pa ang anak kong si Jonatan.” Ngunit wala ni isa mang nagsalita sa mga Israelita.