2Ngunit sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta roon? Kapag nalaman ito ni Saul, tiyak na ipapapatay niya ako.” Sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka sa Bethlehem, at sabihin mo sa mga tao na pumunta ka roon para maghandog sa Panginoon.
3Imbitahin mo si Jesse na sumáma sa paghahandog at sasabihin ko saʼyo kung ano ang gagawin mo. Ituturo ko kung sino sa mga anak niya ang pinili kong maging hari. At papahiran mo ng langis ang kanyang ulo.”
4Sinunod ni Samuel ang iniutos ng Panginoon. Pagdating niya sa Bethlehem, sinalubong siya ng mga tagapamahala ng bayan na nanginginig sa takot. Nagtanong sila, “Kapayapaan po ba ang pakay ninyo sa pagpunta rito?”
5Sumagot si Samuel, “Oo, nandito ako para maghandog sa Panginoon. Maglinis kayo ng sarili ninyo at sumáma kayo sa akin sa paghahandog.” Pagkatapos, ginawa ni Samuel ang seremonya para linisin si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan din sila sa paghahandog.
6Pagdating nila, nakita ni Samuel si Eliab at naisip niya, “Siguradong siya na ang pinili ng Panginoon na maging hari.”