22Ngunit, may masasama at walang silbing mga tauhan si David na nagsabi, “Hindi sila dapat bigyan ng bahagi ng mga nasamsam natin sa mga Amalekita dahil hindi naman sila sumáma sa atin. Kunin na lang nila ang mga asawaʼt anak nila at umalis na sila.”
23Sumagot si David, “Mga kapatid, hindi tama ʼyan. Huwag ninyong ipagdamot ang ibinigay ng Panginoon sa atin. Iningatan niya tayo at tinulungang magtagumpay sa ating mga kaaway.
24Sino sa tingin ninyo ang makikinig sa inyo? Dapat bigyan ang lahat. Pareho lang ang bahagi ng mga nagpaiwan para magbantay sa kagamitan at ng mga sumáma sa labanan.”
25Ang tuntuning ito ay ginawa ni David para sundin ng mga Israelita, at ipinapatupad pa rin ito hanggang ngayon.
26Nang dumating sila sa Ziklag, pinadalhan ni David ng ilang bahagi ng mga nasamsam nila ang mga kaibigan niyang tagapamahala ng Juda, kasama ang mensaheng, “Ito ang regalo ko sa inyo galing sa mga nasamsam namin sa mga kaaway ng Panginoon.”