1Kumalat sa buong Israel ang mensahe ni Samuel. Noong mga panahong iyon, nakipagdigmaan ang Israel sa mga Filisteo. Nagkampo ang mga Israelita sa Ebenezer, at ang mga Filisteo naman ay sa Afek.
2Sinugod ng mga Filisteo ang mga Israelita at tinalo ang mga ito; nasa apat na libong Israelita ang napatay nila.
3Pagkatapos ng digmaan, bumalik ang mga natirang Israelita sa kampo nila. Tinanong sila ng mga tagapamahala ng Israel, “Bakit hinayaan ng Panginoon na matalo tayo ng mga Filisteo? Mabuti pa sigurong kunin natin ang Kahon ng Kasunduan sa Silo para samahan tayo ng Panginoon at iligtas tayo sa mga kalaban natin.”
4Kaya ipinakuha nila sa Silo ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon ng mga Hukbo. Ang takip ng Kahon ay may estatwa ng dalawang kerubin, at nananahan sa kalagitnaan nito ang Panginoon. Sumama sa pagdala ng Kahon ng Kasunduan ang dalawang anak ni Eli na sina Hofni at Finehas.
5Nang madala na ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon doon sa kampo, sumigaw nang malakas ang mga Israelita sa kasiyahan at yumanig ang lupa.