6Ngunit sumagot ang utusan, “Sandali lang po, may isang lingkod ng Diyos sa bayan na ito. Iginagalang siya ng mga tao at nagkakatotoo ang lahat ng kanyang sinasabi. Pumunta po tayo sa kanya at baka sakaling masabi niya sa atin kung saan makikita ang mga asno.”
7Sinabi ni Saul sa utusan, “Kung pupunta tayo, ano ang ibibigay natin sa kanya? Wala na tayong natirang pagkain. Wala tayong maibibigay.”
8Sumagot ang utusan kay Saul, “Mayroon pa po akong isang pirasong pilak. Ibibigay ko po ito sa lingkod ng Diyos para sabihin niya sa atin kung saan natin makikita ang mga asno.”
9“Mabuti,” ang sabi ni Saul, “halika na, pumunta na tayo sa manghuhula.” (Noon sa Israel, kung may taong gustong makatanggap ng mensahe galing sa Diyos sinasabi niya, “Halika, pumunta tayo sa manghuhula,” dahil ang mga tinatawag na propeta ngayon ay tinatawag na manghuhula noon.) Pumunta si Saul at ang utusan sa bayan kung saan naroon ang propeta ng Diyos.