5Sumagot si Rehoboam, “Bigyan nʼyo muna ako ng tatlong araw upang pag-isipan ito, pagkatapos, bumalik kayo sa akin.” Kaya umuwi ang mga tao.
6Nakipagkita agad si Haring Rehoboam sa mga matatandang tagapayo na naglingkod sa kanyang amang si Solomon noong nabubuhay pa ito. Nagtanong si Rehoboam sa kanila, “Ano ba ang maipapayo ninyo na isasagot ko sa hinihiling ng mga taong iyon?”
7Sumagot sila, “Kung ipapakita nʼyo ang inyong kabutihan sa kanila, at ibibigay sa kanila ang kanilang kahilingan, maglilingkod sila sa inyo magpakailanman.”
8Ngunit hindi sinunod ni Rehoboam ang kanilang payo. Sa halip, nakipagkita siya sa mga binatang kababata niyang naglilingkod sa kanya.
9Nagtanong siya sa kanila, “Ano ba ang maipapayo nʼyo na isasagot ko sa kahilingan ng mga taong iyon? Humihiling sila sa akin na pagaanin ko ang mabigat na mga ipinapatupad ng aking ama sa kanila.”