12Pagkatapos, ibinigay nina Haring Joas at Joiada ang pera sa mga tao na namamahala sa pag-aayos ng Templo ng Panginoon. At kumuha sila ng mga karpintero at manggagawang mahusay sa bakal at tanso.
13Napakasipag ng mga inatasan sa mga trabaho, kaya naging mabilis ang paggawa. Naayos nila ang Templo ng Diyos ayon sa orihinal na disenyo at mas pinatatag pa ito.
14Nang matapos ang trabaho, isinauli nila sa hari at kay Joiada ang sobrang pera at ginamit ito sa paggawa ng mga kagamitan sa Templo ng Panginoon – ang mga ginagamit sa pagsamba, sa pag-aalay ng mga handog na sinusunog, pati na ang mga mangkok at mga sisidlan na ginto at pilak. At habang nabubuhay si Joiada, nagpatuloy ang pag-aalay ng mga handog na sinusunog sa Templo ng Panginoon.
15Nabuhay si Joiada nang mahabang panahon, at namatay siya sa edad na 130.
16Inilibing siya sa libingan ng mga hari sa Lungsod ni David, dahil sa mabubuting ginawa niya sa Israel para sa Diyos at sa kanyang Templo.