13Samantala, ang mga sundalong pinauwi ni Amazias at hindi pinasama sa labanan ay lumusob sa mga bayan ng Juda, mula sa Samaria hanggang sa Bet-horon. Nakapatay sila ng tatlong libong tao, at maraming ari-arian ang kanilang sinamsam.
14Pagbalik ni Amazias mula sa pagpatay sa mga Edomita, dinala niya ang kanilang mga diyos-diyosan. Ginawa niya itong sariling diyos, sinamba, at pinag-alayan ng mga handog.
15Kaya labis ang galit ng Panginoon kay Amazias. Nagpadala siya ng propeta kay Amazias para sabihin, “Bakit dumudulog ka sa mga diyos-diyosan na hindi nakapagligtas ng kanilang mga mamamayan sa iyong mga kamay?”
16Habang nagsasalita ang propeta, sumagot ang hari, “Bakit mo ako pinapayuhan? Ginawa ba kitang tagapayo? Tumahimik ka, dahil kung hindi, ipapapatay kita!” Kaya tumahimik ang propeta pagkatapos niyang sabihin, “Tiyak na lilipulin ka ng Diyos dahil sinamba mo ang mga diyos-diyosan at hindi ka nakinig sa akin.”
17Matapos makipag-usap ni Haring Amazias sa kanyang mga tagapayo, nagpadala siya ng mensahe sa hari ng Israel na si Jehoas na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoas na maglaban sila.