1Si Josias ay walong taóng gulang nang maging hari. Naghari siya sa Jerusalem sa loob ng tatlumpuʼt isang taon.
2Matuwid ang ginawa niya sa paningin ng Panginoon at sumunod siya sa pamumuhay ng ninuno niyang si David. At hindi siya tumigil sa paggawa ng tama.
3Nang ikawalong taon ng paghahari niya, habang bata pa siya, nagsimula siyang dumulog sa Diyos ng kanyang ninunong si David. At noong labindalawang taon ng paghahari niya, nilinis niya ang Juda at Jerusalem sa pamamagitan ng pagpapagiba ng mga sambahan sa matataas na lugar, ng mga posteng imahen ni Ashera, ng mga diyos-diyosan at mga imahen.
4Ipinagiba rin niya ang mga altar para kay Baal at ang mga altar na pagsusunugan ng insenso sa tabi nito. Ipinadurog niya ang mga posteng imahen ni Ashera, ang mga diyos-diyosan at ang mga larawan, at isinabog sa libingan ng mga taong naghandog sa mga ito.