24‘ito ang sinabi ng Panginoon: Lilipulin ko ang lugar na ito at ang mga mamamayan nito, lahat ng mga sumpang nakasulat sa aklat na binasa sa harapan ng hari ng Juda ay mangyayari.
25Ipapakita ko ang galit ko sa lugar na ito at hindi ito titigil, dahil itinaboy ako ng aking mga mamamayan at sumamba sila sa ibang mga diyos. Ginalit nila ako sa kanilang mga ginawa.’
26“Ngunit sabihin ninyo sa hari ng Juda na nagpadala sa inyo upang magtanong sa Panginoon, na hindi siya dapat mabahala sa mensaheng ito, dahil ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel:
27Pinakinggan ko ang panalangin mo dahil nagsisi ka at nagpakumbaba sa harapan ko nang marinig mo ang sinabi ko laban sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Pinunit mo pa ang iyong damit at umiyak sa harapan ko dahil sa pagsisisi. Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing
28habang buháy ka pa, hindi darating ang paglipol na ipapadala ko sa lugar na ito at sa mga naninirahan dito. Mamamatay ka nang mapayapa.” At sinabi nila sa hari ang isinagot ni Hulda.