1Nang ikalabing-apat na araw ng unang buwan, nagdiwang si Haring Josias ng Pista ng Paglampas ng Anghel sa Jerusalem bilang pagpaparangal sa Panginoon. Nagkatay sila ng tupa para sa pistang ito.
2Binigyan ni Josias ang mga pari ng kanilang tungkulin sa Templo ng Panginoon, at pinatatag niya sila sa kanilang paglilingkod.
3Binigyan din niya ng mga tungkulin ang mga Levita na tagapagturo sa Israel, na itinalaga sa paglilingkod sa Panginoon. Sinabi niya sa kanila, “Nailagay na ang banal na kahon sa Templo na ipinatayo ni Solomon na anak ni David, at hindi nʼyo na kailangang dalhin ito palagi. Kaya gamitin nʼyo ang inyong panahon sa paglilingkod sa Panginoon na inyong Diyos at sa mga mamamayan niyang Israelita.
4Gawin nʼyo ang mga tungkulin ninyo sa Templo ayon sa grupo ng inyong mga pamilya. Sundin nʼyo ang nakasulat na mga tuntunin ni Haring David ng Israel, at ng anak niyang si Solomon.
5“Pumwesto kayo sa Templo ayon sa inyong grupo, at tumulong sa mga pamilya na naghahandog, na ipinagkatiwala sa inyo.