1Dahil sa awa ng Diyos, pinili niya kami para ipahayag ang kanyang bagong pamamaraan, kaya naman hindi kami pinanghihinaan ng loob.
2Tinalikuran namin ang mga kahiya-hiya at patagong gawain. Hindi kami nanlilinlang, at hindi rin namin binabaluktot ang salita ng Diyos. Pawang katotohanan ang ipinangangaral namin. Alam ito ng Diyos, at malinis ang aming konsensiya sa harap ng tao.
3Ngunit kung may mga hindi nakakaintindi sa Magandang Balita na aming ipinapahayag, ito ay ang mga taong napapahamak.
4Ayaw nilang maniwala sa Magandang Balita dahil ang kanilang mga isipan ay binulag ni Satanas na naghahari sa mundong ito. Binulag niya sila upang hindi nila maintindihan ang Magandang Balita tungkol sa kapangyarihan ni Kristo, na siyang larawan ng Diyos.