5Nang matatag na ang paghahari ni Amazias, ipinapatay niya ang mga opisyal na pumatay sa kanyang amang hari.
6Ngunit hindi niya ipinapatay ang mga anak nila, dahil ayon sa nasusulat sa Aklat ng Kautusan ni Moises, sinabi ng Panginoon, “Hindi dapat patayin ang mga magulang dahil sa kasalanan ng kanilang mga anak, at ang mga anak ay hindi rin dapat patayin dahil sa kasalanan ng kanilang mga magulang. Papatayin lamang ang isang tao dahil sa sarili niyang kasalanan.”
7Si Amazias ang nakapatay ng sampung libong taga-Edom sa Lambak ng Asin. Nasakop niya ang Sela at pinalitan niya ang pangalan nito ng Joctel, at hanggang sa kasalukuyan ay ito pa rin ang tawag dito.
8Isang araw, nagsugo si Amazias ng mga mensahero kay Haring Jehoas ng Israel, na anak ni Joahaz at apo ni Jehu. Hinamon niya si Jehoas at sinabi, “Harapin mo ako sa labanan.”
9Ngunit sinagot siya ni Haring Jehoas sa pamamagitan ng kuwentong ito: “Doon sa Lebanon ay may halamang may tinik na nagpadala ng mensahe sa puno ng sedro: ‘Ipakasal mo ang iyong anak na babae sa aking anak na lalaki.’ Ngunit may dumaang hayop mula sa gubat at tinapak-tapakan ang halamang may tinik.