20Pagkatapos, nagpadala si Isaias na anak ni Amoz ng mensahe kay Ezequias ng ganito, “Ito ang sinabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: Narinig ko ang panalangin mo tungkol kay Haring Senaquerib ng Asiria.
21Ito ang sinabi ko laban sa kanya: ‘Pinagtatawanan at iniinsulto ka ng mga naninirahan sa Zion, ang lungsod ng Jerusalem. Umiiling-iling sila sa paghamak sa iyo habang nakatalikod ka.
22Sino ba ang hinahamak at nilalapastangan mo? Sino ang pinagtataasan mo ng boses at pinagyayabangan mo? Hindi baʼt ako, ang Banal na Diyos ng Israel?
23Kinutya mo ako, na Panginoon, sa pamamagitan ng iyong mga sugo. Sinabi mo pa, “Sa pamamagitan ng aking maraming karwahe naakyat ko ang matataas na bundok pati na ang tuktok ng bundok ng Lebanon. Pinutol ko ang pinakamataas na mga puno ng sedro at natatanging sipres nito. Nakarating ako sa tuktok nito na may makapal na kagubatan.
24Naghukay ako ng balon sa ibang mga lugar at uminom ng tubig mula rito. Sa pagdaan ko, natuyo ang mga sapa sa Ehipto.”