7Ipinagiba rin niya ang mga bahay ng mga lalaki at babaeng bayaran na nasa Templo ng Panginoon, kung saan nananahi ang mga babae ng mga damit na ginagamit sa pagsamba kay Ashera.
8Pinabalik ni Josias sa Jerusalem ang lahat ng pari na nakatira sa ibang mga bayan ng Juda. Dinungisan niya ang mga sambahan sa matataas na lugar, mula sa Geba hanggang sa Beer-seba kung saan nagsusunog ang mga pari ng mga insenso. Ipinagiba niya ang mga sambahan sa Pintuan ni Josue, ang gobernador ng Jerusalem. Ang pintuang ito ay nasa kaliwang bahagi ng pintuan ng lungsod.
9Ang mga paring naglilingkod sa mga sambahan sa matataas na lugar ay hindi pinayagang maglingkod sa altar ng Panginoon sa Jerusalem, pero pinayagan silang kumain ng tinapay na walang pampaalsa kasama ng ibang mga pari.
10Ipinagiba rin ni Josias ang altar ng Tofet, sa Lambak ng Ben-hinom, upang walang sinumang maghahandog ng mga anak nila sa pamamagitan ng apoy para kay Molec.
11Kinuha rin niya sa pintuan ng Templo ng Panginoon ang mga kabayo na inialay ng mga hari ng Juda para sa araw. Ang mga kabayong ito ay nasa bandang bakuran ng Templo, malapit sa kuwarto ng opisyal na si Natan-melec. Sinunog din ni Josias ang mga karwahe na inihahandog sa araw.