1Mula kay Simon Pedro na lingkod at apostol ni Hesu-Kristo, Sa mga tulad naming tumanggap ng napakahalagang pananampalataya sa pamamagitan ng katuwiran ng ating Diyos at Tagapagligtas na si Hesu-Kristo:
2Sumainyo nawa ang nag-uumapaw na biyaya at kapayapaan dahil sa pagkakakilala ninyo sa ating Diyos at Panginoong Hesus.
3Ang kapangyarihan ng Diyos ang nagbigay sa atin ng lahat ng kailangan natin upang makapamuhay tayong may kabanalan. Itoʼy sa pamamagitan ng pagkakakilala natin sa kanya na tumawag sa atin. Tinawag niya tayo sa pamamagitan ng kapangyarihan niya at kabutihan.
4At sa pamamagitan din nito, ipinagkaloob niya sa atin ang mahahalaga at dakila niyang mga pangako. Ginawa niya ito upang makabahagi tayo sa kabanalan ng Diyos at matakasan ang mapanirang pagnanasa na umiiral sa mundong ito.