6Hinatulan din ng Diyos ang mga lungsod ng Sodoma at Gomora dahil sa kasamaan nila, at sinunog ang mga ito, para ipakita ang mangyayari sa masasamâ.
7Subalit iniligtas ng Diyos si Lot, isang taong matuwid na nababahala sa malaswang pamumuhay ng mga tao.
8Habang naninirahan doon si Lot, araw-araw niyang nasasaksihan ang masasama nilang gawain at labis na naghihirap ang kalooban niya.
9Kaya makikita natin na alam ng Panginoon kung paano iligtas sa mga pagsubok ang mga matuwid, at kung paano parusahan ang masasamâ. Parurusahan niya silang lahat, lalo na ang mga sumusunod sa masasamang pagnanasa ng kanilang laman at ayaw magpasakop sa kanya, hanggang sa pagdating ng Araw ng Paghuhukom. Ang binabanggit kong mga huwad na guro ay mayayabang at mapangahas. Hindi sila natatakot hamakin ang mga makalangit na nilalang.