1Makalipas ang ilang panahon, namatay si Nahas na hari ng mga Amonita. At ang anak niyang si Hanun ang pumalit sa kanya bilang hari.
2Sinabi ni David, “Magiging mabuti ako kay Hanun dahil naging mabuti ang kanyang ama sa akin.” Kaya nagpadala si David ng mga opisyal para ipakita ang pakikiramay niya kay Hanun sa pagkamatay ng ama nito. Ngunit pagdating ng mga opisyal ni Haring David sa lupain ng mga Amonita,
3sinabi ng mga opisyal ng mga Amonita kay Hanun na kanilang hari, “Tingin nʼyo baʼy pinaparangalan ni David ang inyong ama sa pamamagitan ng pagpapadala ng mga tauhan upang makiramay sa kalungkutan ninyo? Hindi! Ipinadala niya ang mga taong iyan para manmanan lang ang lungsod natin at wasakin.”
4Kaya ipinadakip ni Hanun ang mga tauhan ni David, inahit ang kalahati ng kanilang balbas, at ginupit ang kanilang mga damit mula baywang pababa at pagkatapos ay pinauwi sila.
5Talagang hiyang-hiya silang umuwi dahil sa kanilang itsura. At nang mabalitaan ni Haring David ang nangyari, nagsugo siya ng mga mensahero para sabihin sa mga opisyal niya na manatili muna sila sa Jerico hanggang sa tumubo na ang mga balbas nila. Pagkatapos, maaari na silang umuwi.