6Nagpadala si David ng mensahe kay Joab na papuntahin sa kanya si Urias na Heteo. Kaya pinapunta ni Joab si Urias kay David.
7Pagdating ni Urias, tinanong siya ni David kung ano na ang kalagayan ni Joab at ng mga sundalo sa kanilang pakikipaglaban.
8Pagkatapos, sinabi ni David sa kanya, “Umuwi ka muna at magpahinga.” Kaya umalis si Urias sa palasyo, at pinadalhan siya ni Haring David ng mga regalo sa bahay niya.
9Pero hindi umuwi si Urias sa kanila kundi sa may pintuan ng palasyo siya natulog kasama ng mga lingkod ng kanyang among si David.
10Nang malaman ni David na hindi umuwi si Urias, ipinatawag niya ito, at tinanong, “Bakit hindi ka umuwi? Matagal kang nawala sa inyo.”