9Sinabi niya kay Haring David ang bilang ng mga lalaki na may kakayahang makipaglaban: walong daang libo sa Israel at limandaang libo sa Juda.
10Nakonsensya si David, matapos niyang ipasensus ang mga tao. Kaya sinabi niya sa Panginoon, “Nagkasala po ako dahil sa ginawa ko. Kaya nakikiusap ako sa inyo, Panginoon, na patawarin nʼyo ako na inyong lingkod sa kasalanan ko, dahil isa pong kahangalan ang ginawa ko.”
11Hindi pa nakakabangon si David kinaumagahan nang sabihin ng Panginoon kay Gad na propeta ni David,
12“Pumunta ka kay David at sabihin mo sa kanya, ‘Ito ang sinabi ng Panginoon: Magbibigay ako ng tatlong pagpipilian mo. Mamili ka ng isa kung alin ang gusto mong gawin ko saʼyo.’ ”
13Kaya pumunta si Gad at sinabi, “Alin po sa tatlong ito ang pipiliin nʼyo: Tatlong taon na taggutom sa bansa nʼyo, tatlong buwan na tumatakas kayo sa mga kalaban nʼyo habang hinahabol nila kayo, o tatlong araw na salot sa bansa nʼyo? Pag-isipan nʼyo po ito nang mabuti, at ipaalam nʼyo po sa akin kung ano ang isasagot ko sa Panginoon na nagsugo sa akin.”