13Nang makaanim na hakbang na ang mga nagbubuhat ng Kahon ng Panginoon, pinahinto sila ni David at naghandog siya ng isang toro at isang pinatabang guya.
14At sumayaw si David nang buong sigla sa presensya ng Panginoon na nakasuot ng efod na lino.
15Habang dinadala ni David at ng mga Israelita ang Kahon ng Kasunduan ng Panginoon, nagsisigawan sila at umiihip ng trumpeta.
16Nang papasok na ang Kahon ng Panginoon sa lungsod ni David, dumungaw sa bintana si Mical na anak ni Saul. Nakita niyang palukso-lukso at sumasayaw si Haring David sa presensya ng Panginoon, labis siyang nainis sa hari.
17Inilagay nila ang Kahon ng Panginoon sa loob ng toldang ipinatayo ni David para rito. Pagkatapos, nag-alay siya sa Panginoon ng mga handog na sinusunog at mga handog pangkapayapaan.