24Dumating sila sa Cesarea pagkaraan ng isang araw. Naghihintay sa kanila si Cornelio, kasama ang kanyang mga kamag-anak at kaibigang tinipon niya.
25Pagdating ni Pedro, sinalubong siya ni Cornelio at nagpatirapa para sambahin siya.
26Ngunit pinatayo siya ni Pedro at sinabi, “Tumayo ka, dahil akoʼy tao ring katulad mo.”
27At patuloy ang kanilang pag-uusap habang papasok sila sa bahay. Sa loob ng bahay, nakita ni Pedro na maraming tao ang nagkakatipon doon.
28Nagsalita si Pedro sa kanila, “Alam ninyo na kaming mga Hudyo ay pinagbabawalan ng aming relihiyon na dumalaw o makisama sa mga Hentil. Ngunit ipinaliwanag sa akin ng Diyos na hindi ko dapat ituring na marumi o di-malinis ang sinuman.