3Sinabi nila kay Pedro, “Bakit ka tumuloy sa bahay ng mga hindi tuli at nakikain pa sa kanila?”
4Kaya ipinaliwanag ni Pedro sa kanila ang buong pangyayari mula sa umpisa.
5Sinabi niya, “Habang nananalangin ako sa lungsod ng Jopa, nawalan ako ng malay at may ipinakitang pangitain ang Diyos sa akin. Nakakita ako ng tila malapad na kumot na bumababa mula sa langit. May tali ito sa apat na sulok, at ibinababa sa kinaroroonan ko.
6Pinagmasdan ko itong mabuti at nakita ko roon ang lahat ng uri ng hayop, may lumalakad, kasama na rito ang mababangis, may gumagapang sa lupa, at may lumilipad.
7At narinig ko ang boses na nagsasabi sa akin, ‘Pedro, tumayo ka! Magkatay ka at kumain.’