1Doon sa Antioquia ay may mga propeta at mga tagapagturo na miyembro ng iglesya. Silaʼy sina Bernabe, Simeon na tinatawag na Negro, Lucio na taga-Cirene, Manaen (na kababata ni Herodes na pinuno ng Galilea), at si Saulo.
2Habang sumasamba sila sa Panginoon at nag-aayuno, sinabi ng Banal na Espiritu sa kanila, “Italaga ninyo para sa akin sina Bernabe at Saulo, para sa natatanging gawaing inilaan ko sa kanila.”
3Pagkatapos nilang mag-ayuno at manalangin, ipinatong nila ang kanilang mga kamay kina Bernabe at Saulo at saka sila pinaalis.
4Kaya pumunta sina Bernabe at Saulo sa Seleucia ayon sa sinabi ng Banal na Espiritu. Mula roon, naglayag sila patungo sa isla ng Cyprus.
5Pagdating nila doon sa bayan ng Salamina, ipinangaral nila ang salita ng Diyos sa mga sinagoga ng Hudyo. Kasama rin nila si Juan Marcos na tumutulong sa kanilang gawain.