1“Mga kapatid at mga magulang, pakinggan muna ninyo ang sasabihin ko bilang pagtatanggol sa aking sarili!”
2Nang marinig ng mga tao na nagsalita siya sa wikang Arameo, lalo silang tumahimik. At nagpatuloy si Pablo sa pagsasalita:
3“Akoʼy isang Hudyong ipinanganak sa Tarso na sakop ng Cilicia, pero lumaki ako rito sa Jerusalem. Dito ako nag-aral at naging guro ko si Gamaliel. Sinanay akong mabuti sa Kautusan na sinunod din ng ating mga ninuno. Gaya ninyo ngayon, masigasig din akong naglilingkod sa ating Diyos.
4Inusig ko at sinikap na patayin ang mga sumusunod sa Daan. Hinuli ko sila at ikinulong, lalaki man o babae.
5Ang punong pari at ang lahat ng miyembro ng Sanhedrin ay makapagpapatunay sa lahat ng sinasabi ko. Sila mismo ang nagbigay sa akin ng sulat para sa mga kapatid nating Hudyo doon sa Damasco. At pumunta ako doon para hulihin ang mga sumasampalataya kay Hesus at dalhin pabalik dito sa Jerusalem upang parusahan.