25At sumulat ang kumander sa gobernador ng ganito:
26Mula kay Claudio Lisias, Kagalang-galang at mahal na Gobernador Felix:
27“Ang taong itoʼy dinakip ng mga Hudyo, at papatayin na sana. Ngunit nang malaman kong isa pala siyang Romano, nagsama ako ng mga sundalo at iniligtas siya.
28Gusto kong malaman kung bakit siya pinaparatangan kaya dinala ko siya sa Sanhedrin.
29Natuklasan ko na ang akusasyon sa kanya ay tungkol lang sa mga bagay na may kinalaman sa kautusan ng kanilang relihiyon. Wala talagang sapat na dahilan para ipakulong siya o ipapatay.