9“Noong una, napag-isipan ko mismo na dapat kong gawin ang aking makakaya para kalabanin ang taong si Hesus na taga-Nazaret.
10Ganito ang aking ginawa noon sa Jerusalem. Sa pamamagitan ng kapangyarihang ibinigay sa akin ng mga namamahalang pari, maraming mga hinirang ng Diyos ang ipinabilanggo ko. At noong hinatulan sila ng kamatayan, sumang-ayon ako.
11Maraming beses na inikot ko ang mga sinagoga para hanapin sila, parusahan, at piliting lapastanganin si Hesus. Sa tindi ng galit ko sa kanila, nakarating ako sa malalayong lungsod sa pag-uusig sa kanila.
12“Iyan ang dahilan kung bakit ako pumunta sa Damasco taglay ang kapangyarihan at pahintulot ng mga namamahalang pari.
13Tanghaling-tapat po noon, Haring Agripa, at habang naglalakbay ay nakakita ako ng liwanag mula sa langit na nakakasilaw pa kaysa sa araw. Nagningning ang liwanag sa palibot namin ng mga kasama ko.