30Nang malaman ng mga mananampalataya ang plano nila, inihatid nila si Saulo sa Cesarea at pinauwi sa Tarso.
31Pagkatapos noon, naging matiwasay ang pamumuhay ng iglesya sa buong Judea, sa Galilea, at sa Samaria. Lalo pang lumakas ang kanilang pananampalataya at namuhay silang may takot sa Panginoon. Pinalalakas ng Banal na Espiritu ang kanilang loob, kaya lalo pa silang dumami.
32Samantala, sa paglalakbay ni Pedro sa ibaʼt-ibang lugar para dalawin ang mga hinirang ng Diyos, dinalaw niya rin ang mga alagad na nasa Lida.
33Nakilala niya roon si Eneas na isang lalaking paralisado at hindi makabangon sa kanyang higaan sa loob ng walong taon.
34Sinabi ni Pedro sa kanya, “Eneas, pinagaling ka ni Hesu-Kristo. Kaya bumangon ka at iligpit ang iyong higaan.” Agad namang bumangon si Eneas.