6Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Israel: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Israel, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbibili nila bilang alipin ang mga taong walang kasalanan dahil lamang sa kanilang utang. Ginagawa rin nila ito sa mga mahihirap kahit na isang pares lang na sandalyas ang utang.
7Ginigipit nila ang mga mahihirap at hindi binibigyan ng katarungan. Mayroon sa kanila na mag-amang nakikipagtalik sa iisang babae. Dahil dito nilalapastangan nila ang aking banal na pangalan.
8Natutulog sila sa kanilang sambahan na suot ang damit na isinangla sa kanila ng mga mahihirap. At nag-iinuman sila sa aking templo ng alak na binili galing sa ibinayad ng mga mahihirap na may utang sa kanila.
9“Ngunit ako, ang ginawa ko para sa kanila na mga taga-Israel, nilipol ko ang mga Amoreo, kahit na kasintaas sila ng punong sedro at kasintibay ng punong ensina. Nilipol ko silang lahat at walang itinirang buhay.
10Inilabas ko rin sa Ehipto ang mga ninuno ng mga taga-Israel at pinatnubayan ko sila sa ilang sa loob ng apatnapung taon upang masakop nila ang lupain ng mga Amoreo.