Amos 1

1Ito ang mga pahayag ni Amos na isa sa mga pastol ng kawan ng tupa sa bayan ng Tekoa. Ang mga pangitaing ito tungkol sa Israel ay ipinakita sa kanya noong panahon na si Uzias ang hari ng Juda at si Jeroboam na anak ni Jehoas ang hari ng Israel, dalawang taon bago lumindol.

2Sinabi ni Amos: “Umaatungal ang Panginoon mula sa Zion; dumadagundong ang tinig niya mula sa Jerusalem. Dahil dito natutuyo ang mga pastulan ng mga pastol at nalalanta ang mga tanim sa tuktok ng Bundok ng Carmel.”

3Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Siria: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Damasco, parurusahan ko sila. Sapagkat pinagmalupitan nila ang mga taga-Gilead na parang giniik ng tabla na may mga ngiping bakal sa ilalim.

4Kaya susunugin ko ang palasyo ni Haring Hazael at ang matitibay na bahagi ng Damasco na ipinagawa ng anak niyang si Haring Ben-hadad.

5Wawasakin ko ang pintuan ng Damasco at papatayin ko ang pinuno ng Lambak ng Aven at ng Bet-eden. Bibihagin at dadalhin sa Kir ang mga mamamayan ng Siria. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

6Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Filistia: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Gaza, parurusahan ko sila. Sapagkat binihag nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan at ipinagbili bilang mga alipin sa Edom.

7Kaya susunugin ko ang mga pader ng Gaza at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito.

8Lilipulin ko ang mga pinuno ng Asdod at ng Ashkelon, at parurusahan ko ang mga taga-Ekron. At ang mga Filisteong makakatakas sa parusa ay mamamatay din. Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

9Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Tiro: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Tiro, parurusahan ko sila. Sapagkat ipinagbili nila ang lahat ng naninirahan sa mga bayan bilang mga alipin sa Edom. Hindi nila sinunod ang kanilang kasunduang pangkapatiran sa mga mamamayang ito.

10Kaya susunugin ko ang mga pader ng Tiro at ang matitibay na bahagi ng lungsod nito.”

11Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Edom: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga taga-Edom, parurusahan ko sila. Sapagkat tinugis nila ang kanilang mga kamag-anak na mga Israelita at walang awang pinatay. Hinding-hindi mawawala ang kanilang galit sa mga Israelita.

12Kaya susunugin ko ang Teman at ang matitibay na bahagi ng Bosra.”

13Ito ang sinasabi ng Panginoon tungkol sa Amon: “Dahil sa paulit-ulit na pagkakasala ng mga Amonita, parurusahan ko sila. Sapagkat nilaslas nila ang tiyan ng mga buntis sa Gilead nang salakayin nila ito, upang mapalawak ang kanilang lupain.

14Kaya susunugin ko ang mga pader ng Rabba at ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito habang nagsisigawan ang mga kaaway na sumasalakay sa kanila, na parang umuugong na bagyo.

15At bibihagin ang hari ng Amon gayon din ang kanyang mga opisyal,” sabi ng Panginoon.

Biblica® Open Tagalog Contemporary Bible™ (Ang Salita ng Diyos) © Biblica, Inc. Licensed CC BY-SA 4.0. “Biblica” is a trademark registered in the United States Patent and Trademark Office by Biblica, Inc.