1“Sa panahong iyon na ibabalik ko ang kasaganaan ng Juda at Jerusalem,
2titipunin ko ang mga bansa at dadalhin ko sila sa Lambak ni Jehoshafat. Doon ko sila hahatulan dahil sa kanilang ginawa sa mga Israelita na aking mamamayan na pag-aari ko. Ikinalat nila ang mga Israelita sa ibaʼt ibang bansa at pinaghati-hatian ang aking lupain.
3Nagpalabunutan sila upang paghati-hatian ang aking mga mamamayan, at ipinagbili nila bilang alipin ang mga batang lalaki at babae, upang ibili ng alak at ibayad sa babaeng bayaran.
4“Kayong mga taga-Tiro, taga-Sidon, at ang lahat ng lugar ng Filistia, ano ba itong ginagawa ninyo laban sa akin? Ginagantihan ba ninyo ako sa mga bagay na aking ginawa? Kung ganoon, gagantihan ko agad kayo sa inyong ginagawa.
5Sapagkat kinuha ninyo ang aking mga ginto at pilak at iba pang mamahaling bagay at dinala ninyo ito doon sa inyong mga templo.
6Ipinagbili ninyo sa mga Griyego ang mga mamamayan ng Juda at Jerusalem bilang mga alipin, upang mailayo ninyo sila sa sarili nilang bayan.
7“Ngunit tutulungan ko silang makaalis sa mga bayang pinagbilhan ninyo sa kanila, at gagawin ko sa inyo ang inyong ginawa sa kanila.
8Ipagbibili ko ang inyong mga anak sa mga taga-Juda, at ipagbibili naman nila ang mga ito sa mga taga-Sabea na nakatira sa malayong lugar. Mangyayari nga ito, dahil ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
9“Ipahayag mo ito sa mga bansa: Humanda kayo sa pakikipagdigma! Tawagin ninyo ang mga sundalo upang sumalakay.
10Gawin ninyong mga espada ang sudsod ng inyong mga araro at gawin ninyong mga sibat ang inyong mga panggapas. Sasabihin ng mahina, ‘Ako ay malakas.’
11Pumarito kayo, lahat kayong mga bansang nasa paligid, at magtipon kayo doon sa Lambak ni Jehoshafat. “Panginoon, pasulungin ninyo ang inyong mga mandirigma!
12“Udyukin ang mga bansa na pumunta sa Lambak ni Jehoshafat. Doon, ako, ang Panginoon ay uupo upang silaʼy hatulan.
13Para silang mga aanihin na kailangan nang gapasin dahil hinog na, o parang ubas na kailangan nang pisain dahil puno na ng ubas ang pisaan. Ubod sila ng sama; ang kanilang kasalanan ay parang alak na umaapaw sa sisidlan nito.”
14Napakaraming tao ang naroon sa Lambak ng Paghatol, dahil malapit nang dumating ang araw ng paghatol ng Panginoon.
15Magdidilim ang araw at ang buwan, at hindi na magliliwanag ang mga bituin.
16Aatungal na parang leon ang Panginoon mula sa Zion; dadagundong ang kanyang tinig mula sa Jerusalem. Kaya mayayanig a ng lupa at langit. Ngunit ang Panginoon ang matibay na kanlungan para sa mga Israelita na kanyang mamamayan.
17“Malalaman ninyong mga taga-Juda na ako, ang Panginoon na inyong Diyos, ay nananahan sa Zion, ang aking banal na bundok. Magiging banal muli ang Jerusalem; hindi na ito muling lulusubin ng ibang bansa.
18“Sa panahong iyon, pagpapalain ko kayo. Magiging sagana ang inyong bagong alak na mula sa maraming ubas sa mga bundok. Magiging sagana rin ang inyong gatas mula sa maraming baka at kambing na nanginginain sa mga burol. At hindi na matutuyuan ang inyong mga sapa at ilog. At may bukal mula sa templo ng Panginoon na dadaloy sa lambak na may mga punong akasya.
19Ang Ehipto ay magiging lugar na tiwangwang at ang Edom ay magiging ilang, dahil pinagmalupitan nila ang mga taga-Juda; pinatay nila ang mga taong walang kasalanan.
20Ngunit ang Juda at ang Jerusalem ay titirhan magpakailanman.
21Hahayaan ko na lamang bang dumanak ang inosenteng dugo at hindi ako maghihiganti? Hindi ako papayag!” Nananahan ang Panginoon sa Zion.