1Ito ang salita ng Panginoon na ipinahayag niya kay Joel na anak ni Petuel.
2Kayong mga tagapamahala ng Juda, makinig kayo; lahat ng nakatira sa lupaing ito, dinggin ninyo ang sasabihin ko. May nangyari na bang katulad nito sa panahon ninyo o sa panahon ng inyong mga ninuno?
3Kailangang isalaysay ito sa bawat henerasyon ng inyong lahi.
4Sunod-sunod na sumalakay ang mga pulutong ng balang. Ang mga naiwang tanim na hindi naubos ng unang pulutong ay kinain ng sumunod na pulutong hanggang sa naubos ang mga tanim.
5Kayong mga lasenggo, bumangon kayo at umiyak nang malakas! Sapagkat wala na kayong maiinom; wala nang bunga ang mga ubas na gagawing alak.
6Ang lupain ng Panginoon ay sinalakay ng napakaraming balang. Matatalas ang kanilang mga ngipin tulad ng mga pangil ng leon.
7Sinira nila ang mga tanim na ubas ng Panginoon at ang kanyang mga puno ng igos. Nginatngat nila ang mga balat nito hanggang sa mamuti ang mga sanga.
8Magluksa kayo katulad ng isang dalaga na nakadamit ng sako; umiiyak dahil namatayan ng mapapangasawa.
9Sapagkat wala nang butil o inumin na maihahandog sa templo ng Panginoon, kaya nagluluksa ang mga paring naglilingkod sa kanya.
10Nasalanta ang mga bukirin na parang taong nagdadalamhati. Nasira na ang mga trigo, at wala na ang katas ng ubas at langis.
11Kayong mga magsasaka, dapat kayong malungkot! Kayong mga tagapangalaga ng ubasan, umiyak kayo nang malakas! Sapagkat nasira ang aanihing mga trigo at sebada.
12Nalanta ang mga tanim na ubas at ang lahat ng puno, pati na ang mga igos, pomegranata, palma, at mansanas. Tuluyan nang nawala ang kaligayahan ng mga tao.
13Kayong mga paring naglilingkod sa altar ng aking Diyos, magsuot kayo ng sako at pumunta sa templo at umiyak buong magdamag. Sapagkat wala nang butil o inumin na ihahandog sa templo ng inyong Diyos.
14Sabihin ninyo sa mga tagapamahala ng Juda at sa lahat ng kanyang mamamayan na pumunta silang lahat sa templo ng Panginoon na inyong Diyos at mag-ayuno. Humingi sila ng tulong sa Panginoon.
15Naku! Malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon. Darating ito mula sa Makapangyarihan at magdadala ng kapahamakan.
16Nakita natin mismo kung paano tayo nawalan ng pagkain at kung paano nawala ang kagalakan sa Templo ng Diyos.
17Namatay ang mga binhi sa tigang na lupa. At dahil natuyo ang mga butil, wala nang laman ang mga bodega, kaya nagiba na lamang ang mga ito.
18Umaatungal ang kawan ng hayop dahil sa gutom. Gumagala ang mga baka na naghahanap ng makakain, pati ang mga tupa ay nagdurusa.
19Panginoon, nananawagan po ako sa inyo, dahil natuyo na ang mga pastulan at ang lahat ng punongkahoy sa bukirin, na parang nilamon ng apoy.
20Maging ang mga hayop sa gubat ay dumadaing sa inyo, dahil tuyong-tuyo na ang mga ilog at mga sapa, at tuyo na rin ang mga pastulan, na parang nilamon ng apoy.