1Hipan ninyo ang trumpeta; bigyang babala ang mga tao sa Zion, ang banal na bundok ng Panginoon. Lahat kayong nakatira sa Juda, manginig kayo sa takot, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon.
2Magiging maulap at madilim ang araw na iyon. Kakalat ang napakaraming balang sa mga kabundukan na parang sinag ng araw kapag nagbubukang-liwayway. Wala pang nangyaring kagaya nito noon, at hindi na mangyayari ang katulad nito kahit kailan.
3Sunod-sunod na sumalakay ang mga balang na parang apoy. Bago sila dumating ang lupain ay parang halamanan ng Eden. Ngunit nang masalakay na nila, para na itong disyerto. Wala silang halamang itinira.
4Parang kabayo ang kanilang anyo, at kasimbilis sila ng mga kabayong pandigma.
5Ang ingay ng kanilang paglukso sa ibabaw ng mga bundok ay parang mga karwaheng tumatakbo at parang ingay ng nasusunog na dayami. Tulad sila ng makapangyarihang hukbo na handang makipagdigma.
6Ang mga taong makakakita sa kanila ay mamumutla sa takot.
7Sumasalakay sila at umaakyat sa mga pader na parang mga sundalo. Diretso ang kanilang paglakad at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan.
8Hindi sila nagtutulakan, at kahit makasalubong nila ang mga sandata ng kaaway, hindi sila naghihiwa-hiwalay.
9Sinasalakay nila ang lungsod at inaakyat ang mga pader nito. Inaakyat nila ang mga bahay at pumapasok sa mga bintana na parang magnanakaw.
10Nayayanig ang lupa at ang langit sa kanilang pagdating. At nagdidilim ang araw at ang buwan, at nawawalan ng liwanag ang mga bituin.
11Dumadagundong ang sigaw ng Panginoon habang pinamumunuan ang kanyang hukbo; lubhang napakarami ng kanyang mga sundalo, at makapangyarihan ang mga sumusunod sa kanyang utos. Dakila ang araw ng paghatol ng Panginoon; itoʼy sadyang kakila-kilabot. Sino ang makakatiis nito?
12Sinabi ng Panginoon, “Gayunman, magbalik-loob kayo sa akin nang buong puso, may pag-aayuno, pananangis at pagdadalamhati.”
13Magsisi kayo nang buong puso at hindi pakitang-tao lamang tulad ng pagpunit ninyo ng inyong mga damit. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Diyos, sapagkat siyaʼy mahabagin at mapagmalasakit, hindi madaling magalit at wagas ang pag-ibig. Naghuhunos-dili siya at hindi itinutuloy ang kanyang parusa.
14Baka sakaling magbago ang isip ng Panginoon na inyong Diyos at pagpalain kayo ng masaganang ani, upang makapaghandog kayo sa kanya ng mga butil at inumin.
15Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion at ipaalam sa mga tao na magtipon sila at mag-ayuno.
16Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis at magtipon kayong lahat, bata at matanda, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal.
17Hayaan ang mga pari na naglilingkod sa harapan ng Panginoon na umiyak sa pagitan ng altar at balkonahe ng templo. Manalangin sila ng ganito: “Panginoon, mahabag po kayo sa inyong bayan. Huwag ninyong payagan na silaʼy hiyain at sakupin ng ibang bansa na nagsasabi, ‘Nasaan ang kanilang Diyos?’ ”
18Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan.
19Sumagot ang Panginoon sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong alak, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa.
20“Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo. At aalingasaw ang kanilang mga bangkay.” Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon.
21Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon.
22Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.
23Magalak kayong mga taga-Zion, sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Diyos. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati upang ipakita na matuwid siya.
24Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong alak at langis sa mga pisaan nito.
25Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahong sinalakay ang inyong mga pananim ng sunod-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang.
26Magkakaroon na kayo ngayon ng saganang pagkain at lubusang mabubusog. At dahil dito, pupurihin ninyo ako, ang Panginoonna inyong Diyos, na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay na iyon. At kayong aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman.
27Malalaman ninyong akoʼy sumasainyo na mga taga-Israel, at ako lamang ang Panginoon na inyong Diyos at wala nang iba pa. Kayong aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman.
28“At pagkatapos, ibibigay ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng mga propesiya. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip, at ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain.
29Sa mga araw na iyon, ibibigay ko rin ang aking Espiritu sa mga utusang lalaki at babae.
30Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa: May makikitang dugo, apoy, at makapal na usok.
31Magdidilim ang araw at magkukulay-dugo ang buwan. Mangyayari ito bago dumating ang kamangha-manghang araw ng paghuhukom ng Panginoon.
32Ang sinumang hihingi ng tulong sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating. Sapagkat ayon sa sinabi ng Panginoon, may matitirang mga Israelita sa Bundok ng Zion, ang Jerusalem. Sila ang mga pinili ng Panginoon na maliligtas.