25Kaya dali-daling dinala ni Arioc si Daniel sa hari. Sinabi ni Arioc, “Mahal na Hari, may nahanap po akong bihag mula sa Juda na makapagpapaliwanag ng inyong panaginip.”
26Tinanong ng hari si Daniel na tinatawag ding Beltesazar, “Talaga bang mahuhulaan mo ang aking panaginip at maipapaliwanag ang kahulugan nito?”
27Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, wala pong sinumang marunong katulad ng mga mangkukulam, engkantador, o manghuhula ang makakapagpaliwanag ng inyong panaginip.
28Ngunit may Diyos sa langit na naghahayag ng mga mahiwagang bagay. At inihayag niya sa Haring Nebucadnezar sa panaginip ang mangyayari sa hinaharap. Ngayon, sasabihin ko po sa inyo ang mga pangitaing nakita ninyo sa inyong panaginip.
29“Habang natutulog po kayo, Mahal na Hari, nanaginip kayo tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na tagapagpahayag ng mga mahiwagang bagay.