27Sumagot si Daniel, “Mahal na Hari, wala pong sinumang marunong katulad ng mga mangkukulam, engkantador, o manghuhula ang makakapagpaliwanag ng inyong panaginip.
28Ngunit may Diyos sa langit na naghahayag ng mga mahiwagang bagay. At inihayag niya sa Haring Nebucadnezar sa panaginip ang mangyayari sa hinaharap. Ngayon, sasabihin ko po sa inyo ang mga pangitaing nakita ninyo sa inyong panaginip.
29“Habang natutulog po kayo, Mahal na Hari, nanaginip kayo tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap. Ipinapaalam ito sa inyo ng Diyos na tagapagpahayag ng mga mahiwagang bagay.
30At inihayag sa akin ng Diyos ang inyong panaginip hindi dahil mas matalino ako kaysa sa iba kundi upang maipaliwanag ko sa inyo, Mahal na Hari, at maintindihan nʼyo ang gumugulo sa inyong isipan.
31“May nakita ang Mahal na Hari na isang napakalaking rebulto na nakakasilaw. Nakatayo sa inyong harapan ang rebulto at nakakatakot tingnan.