1Ang malinis na pangalan ay mas mabuti kaysa sa mamahaling pabango; at ang araw ng kamatayan ay mas mabuti kaysa sa araw ng kapanganakan.
2Mas mabuting pumunta sa namatayan kaysa sa isang handaan, dahil ang lahat ay mamamatay. Dapat ay lagi itong isipin ng mga buháy pa.
3Ang kalungkutan ay mas mabuti kaysa sa kaligayahan dahil ang kalungkutan ay nakakatuwid ng buhay ng tao.
4Laging iniisip ng marunong ang kamatayan; pero ang hangal, ang laging iniisip ay kasiyahan.
5Mas mabuting makinig sa pagsaway ng marunong kaysa makinig sa papuri ng hangal.
6Ang tawa ng hangal ay parang tinik na kapag iginatong ay nagsasaltikan ang apoy. Ito ay walang kabuluhan.
7Ang marunong kapag nandaya ay para na ring hangal. Kung tumatanggap ka ng suhol, sinisira mo ang sarili mong dangal.
8Mas mabuti ang pagtatapos kaysa sa pagsisimula. Ang pagiging matiisin ay mas mabuti kaysa sa pagiging mapagmataas.
9Huwag maging magagalitin dahil ang pagiging magagalitin ay ugali ng mga hangal.
10Huwag mong sabihin, “Bakit mas mabuti pa noon kaysa ngayon?” Dahil ang tanong na iyan ay walang katuturan.
11Ang karunungan ay mabuti gaya ng isang pamana, pareho itong nakakatulong sa mga namumuhay dito sa mundo. Nagbibigay din ito ng proteksyon gaya ng pera. Pero higit pa roon, iniingatan nito ang buhay ng nagtataglay nito.
13Pag-isipan mo ang ginawa ng Diyos: Sino ang makapagtutuwid ng kanyang binaluktot?
14Magalak ka kung mabuti ang kalagayan mo. Pero kung naghihirap ka, isipin mo ito: Ang Diyos ang gumawa sa dalawang bagay na ito. Kaya hindi natin malalaman kung ano ang mangyayari sa hinaharap.
15Sa buhay kong walang saysay, nakita ko ang mga ito: Ang matuwid ay maagang namamatay sa kabila ng kanilang matuwid na pamumuhay, at ang mga masasama sa kabila ng kanilang kasamaan ay nabubuhay nang matagal.
16Huwag mong ituring ang iyong sarili na sobrang matuwid at marunong, dahil kung gagawin mo iyon, sinisira mo lang ang iyong sarili.
17At huwag ka rin namang magpakasama o magpakamangmang, dahil baka mamatay ka naman nang wala sa oras.
18Bigyang-halaga ang mga katuruang ito, sapagkat ang sinumang may takot sa Diyos ay susunod sa parehong katuruan.
19Higit na malaki ang magagawa ng karunungan sa isang tao, kaysa sa sampung pinuno ng isang bayan.
20Wala ni isang tao rito sa mundo ang laging gumagawa ng mabuti at hindi nagkakasala.
21Huwag mong pakikinggan ang lahat ng sinasabi ng tao at baka mismong alipin mo ang marinig mong nagsasalita laban sa iyo.
22Dahil alam mo sa sarili mo na marami ka ring pinagsalitaan ng masama.
23Sinubukan kong intindihin ang lahat ng nangyayari rito sa mundo sa pamamagitan ng aking karunungan. Sinabi ko sa aking sarili, “Akala koʼy maiintindihan ko,” ngunit ito palaʼy higit sa aking pang-unawa.
24Hindi ko kayang intindihin ang mga nangyayari dahil mahirap talagang maintindihan. At walang sinuman ang makakaintindi nito.
25Pero patuloy akong nag-aral at nag-usisa, para makamit ko ang karunungan at masagot ang aking mga katanungan, at para malaman ko kung gaano kahangal ang taong gumagawa ng masama at kung gaano kasama ang isipan ng taong gumagawa ng kahangalan.
26Napag-alaman kong ang babaeng nanunukso ay mas mapait kaysa sa kamatayan. Ang pag-ibig niyaʼy parang bitag, at ang mga kamay niyang yumayakap sa iyo ay parang kadena. Ang taong nakalulugod sa Diyos ay makakatakas sa kanya, ngunit ang taong makasalanan ay mabibitag niya.
27Sinasabi ko bilang isang mangangaral: “Iniisip kong mabuti ang bawat bagay sa paghahanap ko ng kasagutan sa aking mga katanungan. Pero hindi ko pa rin natagpuan ang mga kasagutan. Ngunit ito ang aking natuklasan, sa isang libong lalaki isa lang ang matuwid, pero sa isang libong babae wala ni isang matuwid.
29Higit sa lahat, ito ang nalaman ko: Ginawa ng Diyos ang tao na matuwid, pero nag-iisip ang tao ng maraming paraan para maging masama.”