14Ang Banal na Espiritu ang katibayan na matatanggap natin mula sa Diyos ang ipinangako niya sa atin bilang mga anak niya, hanggang sa matanggap natin ang lubos na kaligtasan. At dahil dito, papupurihan siya!
15Kaya nga, mula nang mabalitaan ko ang pananampalataya ninyo sa ating Panginoong Hesus at ang pag-ibig ninyo sa lahat ng mga hinirang,
16walang tigil ang pasasalamat ko sa Diyos dahil sa inyo. At palagi ko kayong ipinapanalangin.
17Hinihiling ko sa Diyos ng ating Panginoong Hesu-Kristo, ang dakilang Ama, na bigyan niya kayo ng karunungan at pang-unawa mula sa Banal na Espiritu, upang lalo pa ninyo siyang makilala.
18Ipinapanalangin ko rin na maliwanagan ang inyong pusoʼt isipan upang maunawaan ninyo ang pag-asa na inilaan niya sa atin, ang napakahalaga at napakasaganang pagpapala na ipinangako niya sa mga hinirang.