10Kaya kailangang tuso ang pakikitungo natin sa kanila upang hindi na sila dumami pa. Kung magkaroon ng digmaan, baka kumampi sila sa mga kaaway natin at lalabanan tayo upang makaalis sila sa bansa natin.”
11Kaya inilagay sila sa ilalim ng mga tagapangasiwa upang pahirapan sila at pagtrabahuhin nang mabigat. Ipinagawa sa mga Israelita ang mga lungsod ng Pitom at Rameses upang magkaroon dito ng mga bodega ang Faraon.
12Ngunit habang patuloy silang pinahihirapan, lalo naman silang dumarami at kumakalat sa Ehipto. Kaya lalong natakot ang mga taga-Ehipto sa mga Israelita.
13Dahil dito, walang awa nilang pinagtrabaho ang mga ito.
14Naging mahirap ang buhay ng mga Israelita dahil sa mabibigat nilang trabaho na paggawa ng tisa at pangsemento nito, at ng ibaʼt ibang gawain sa bukid. Sa mabibigat nilang gawain ay walang awa silang pinagtrabaho ng mga Ehipsiyo.