3Umakyat si Moises sa bundok upang makipagtagpo sa Diyos. Tinawag siya ng Panginoon doon sa bundok at sinabi, “Sabihin mo ito sa mga Israelita, sa mga lahi ni Jacob:
4‘Nakita nʼyo mismo kung ano ang ginawa ko sa mga Ehipsiyo, at kung paano ko kayo dinala rito sa akin, katulad ng pagdadala ng agila sa mga inakay niya sa pamamagitan ng kanyang pakpak.
5Kung lubos ninyo akong susundin at tutuparin ang aking kasunduan, pipiliin ko kayo sa lahat ng bansa upang maging mga mamamayan ko. Akin ang buong mundo,
6pero magiging pinili ko kayong mamamayan at magiging isang kaharian ng mga paring maglilingkod sa akin.’ Sabihin mo ito sa mga Israelita.”
7Kaya bumaba si Moises mula sa bundok at ipinatawag niya ang mga pinuno ng Israel at sinabi sa kanila ang sinabi ng Panginoon.