1Pagkatapos, pumunta sina Moises at Aaron sa Faraon at sinabi, “Ito ang sinasabi ng Panginoon, ang Diyos ng Israel: ‘Payagan mong umalis ang aking mga mamamayan, upang makapagdaos sila ng pista sa ilang para sa akin.’ ”
2Sinabi ng Faraon, “Sino ba ang Panginoon upang makinig ako sa kanya at payagang umalis ang mga Israelita? Hindi ko kilala ang Panginoon at hindi ko paaalisin ang mga Israelita.”
3Sumagot sina Moises at Aaron, “Nagpakita sa amin ang Diyos ng mga Hebreo. Kaya kung maaari, payagan mo kaming umalis nang tatlong araw papunta sa ilang upang makapaghandog kami sa Panginoon naming Diyos, dahil kung hindi, papatayin niya kami sa pamamagitan ng sakit o digmaan.”