11“Lumakad ka at sabihin sa Faraon na hari ng Ehipto na payagan na niyang umalis ang mga Israelita sa bayan niya.”
12Ngunit sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung ang mga Israelita nga poʼy hindi nakikinig sa akin, ang Faraon pa kaya? Lalo naʼt hindi ako magaling magsalita!”
13Subalit kinausap ng Panginoon sina Moises at Aaron, at pinagbilinan sila patungkol sa mga Israelita at kay Faraon para ilabas nila ang mga Israelita sa Ehipto.
14Ito ang mga ninuno ng mga sambahayan na nagmula sa lahi ng Israel: Ang mga anak na lalaki ni Ruben, na panganay na anak ni Israel ay sina Hanoc, Falu, Hezron at Carmi. Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Ruben.
15Ang mga anak na lalaki ni Simeon ay sina Jemuel, Jamin, Ohad, Jaquin, Zohar at Saul. (Si Saul ang anak ni Simeon sa isang Cananeo.) Sila at ang mga pamilya nila ay ang mga angkan na nagmula kay Simeon.