20Ang isa ay papuntang Rabba, ang kabisera ng Amon at ang isa naman ay papuntang Jerusalem, ang kabisera ng Juda na napapalibutan ng mga pader.
21Sapagkat tatayo ang hari ng Babilonia sa kanto ng dalawang daan na naghiwalay at aalamin niya kung aling daan ang dadaanan niya sa pamamagitan ng palabunutan ng mga palaso, pagtatanong sa mga diyos-diyosan, at pagsusuri sa atay ng hayop na inihandog.
22Ang mabubunot ng kanyang kamay ay ang palasong may tatak na Jerusalem. Kaya sisigaw siya at mag-uutos na salakayin ang Jerusalem at patayin ang mga mamamayan doon. Maglalagay siya ng malalaking troso na pangwasak ng pintuan ng Jerusalem. Tatambakan nila ng lupa ang tabi ng pader ng lungsod upang makaakyat sila sa pader.
23Akala ng mga taga-Jerusalem, ito ay isang hula na hindi magkakatotoo dahil may kasunduan sila sa Babilonia. Ngunit ipapaalala ng hari ng Babilonia ang tungkol sa kasalanan nila at pagkatapos ay tatangayin silang bihag.
24“Kaya ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: ‘Ang inyong kasalanan ay nahayag at ipinakita ninyo ang inyong pagiging rebelde at makasalanan. At dahil sa ginagawa ninyong ito, ipapabihag ko kayo.