3Sabihin mo sa kanila na ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi nito: Kalaban ko kayo, mamamayan ng Israel! Bubunutin ko ang aking espada at papatayin ko kayong lahat, mabuti man o masama.
4Oo, papatayin ko kayong lahat, matuwid man o masama, mula sa timog hanggang sa hilaga.
5At malalaman ng lahat na ako ang Panginoon. Binunot ko na ang aking espada at hindi ko ito ibabalik sa lalagyan hanggaʼt hindi natatapos ang pagpatay nito.
6“Kaya anak ng tao, umiyak ka nang may pagdaramdam at kapaitan. Iparinig sa kanila ang pag-iyak mo.
7Kapag tinanong ka nila kung bakit ka umiiyak, sabihin mong dahil sa balitang lubhang nakakatakot, nakakapanghina, nakakayanig at nakakahimatay. Hindi magtatagal at mangyayari ito, sabi ng Makapangyarihang Panginoon.”