2“Anak ng tao, isulat mo ang petsa ng araw na ito dahil ngayon magsisimula ang paglusob ng hari ng Babilonia sa Jerusalem.
3Pagkatapos, sabihin mo ang talinghagang ito sa mga rebeldeng mamamayan ng Israel at ipaalam sa kanila: ‘Ito ang sinasabi ng Makapangyarihang Panginoon: Isalang mo ang kaldero; lagyan mo ng tubig ang loob nito.
4Lagyan mo ng magandang klase ng karne na mula sa parteng balikat at pata at isama ang mga buto nito.
5Ang pinakamagandang karne lang ng tupa mula sa kawan ang gamitin mo. Gamitan mo ng kahoy na panggatong para sa mga buto-buto. Pagkatapos, pakuluan mo itong mabuti kasama ang mga buto.
6“ ‘Sapagkat ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang nagsasabi: Kahabag-habag ang lungsod ng Jerusalem na ang mga mamamayan ay mamamatay-tao. Ang lungsod na itoʼy tulad ng kalderong kinakalawang at hindi nililinis. Kaya isa-isa mong kunin ang mga bahagi ng laman nito. Huwag kang mamimili.