8“ ‘Kaya ako, ang Makapangyarihang Panginoon ay nagsasabing: Ipapasalakay kita sa mga tao na papatay sa mga mamamayan at mga hayop mo.
9Magiging tiwangwang ang Ehipto at malalaman ninyong ako ang Panginoon. “ ‘At dahil sinabi mong sa iyo ang Ilog ng Nilo at ikaw ang gumawa nito,
10kalaban kita at ang iyong ilog. Wawasakin ko ang Ehipto at magiging tiwangwang ito mula sa Migdol papuntang Aswan, hanggang sa hangganan ng Etiopia.
11Walang tao o hayop na dadaan o titira man doon sa loob ng apatnapung taon.
12Gagawin kong tiwangwang na lugar ang Ehipto sa lahat ng bansa. Ang mga lungsod niya ay magiging pinakamalungkot sa lahat ng lungsod sa loob ng apatnapung taon. At ikakalat ko ang mga taga-Ehipto sa ibaʼt ibang bansa.