13Titipunin ko sila mula sa ibaʼt ibang bansa at dadalhin sa sarili nilang lupain. Doon ko sila aalagaan sa mga kabundukan ng Israel, sa tabi ng ilog at mga lupang tinitirhan ng tao.
14Dadalhin ko sila sa sariwang pastulan sa kabundukan ng Israel. Dooʼy manginginain sila habang namamahinga.
15Ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ang mismong mag-aalaga sa aking mga tupa, at silaʼy aking pagpapahingahin.
16Hahanapin ko ang mga nawawala at ang mga naliligaw. Gagamutin ko ang mga may sugat at may sakit, palalakasin ko ang mahihina. Ngunit lilipulin ko ang matataba at malalakas na tupa. Gagawin ko sa kanila kung ano ang nararapat.
17“Mga mamamayan ng Israel na aking mga kawan, ako, ang Makapangyarihang Panginoon, ay nagsasabi sa inyo na hahatulan ko kayo. Ibubukod ko ang mabubuti sa masasamâ, ang mga tupa sa mga kambing.