17Tiyakin mo na ang perang ito ay gagamiting pambili ng mga toro, mga lalaking tupa, mga batang lalaking tupa, mga butil at inuming handog. Lahat ng mga ito ay ihahandog sa altar ng Templo ng inyong Diyos sa Jerusalem.
18“Ang matitirang ginto at pilak ay puwede ninyong gamitin ng mga kababayan mo sa kahit anong gusto nʼyo ayon sa kalooban ng Diyos.
19Ngunit ang mga kagamitang ipinagkatiwala sa iyo na gagamitin sa paglilingkod sa Templo ng iyong Diyos ay ibigay mong lahat sa Diyos ng Jerusalem.
20Kung may iba ka pang kailangan para sa Templo, kumuha ka lang ng panggastos sa pondo ng kaharian.
21“Ako, si Haring Artaherhes, ang nag-uutos sa lahat ng ingat-yaman ng lalawigan sa kanluran ng Eufrates na ibigay ninyo ang anumang hilingin sa inyo ni Ezra na pari at tagapagturo ng Kautusan ng Diyos ng langit.