6At dahil marami na silang mga hayop at iba pang mga ari-arian, hindi sila maaaring manirahan sa iisang lugar. Ang pastulan ay hindi magkakasya sa kanila.
7Dahil dito, nag-away-away ang mga tagapagbantay ng mga hayop nila. Nang panahong iyon, ang mga Cananeo at mga Perezeo ay nakatira rin sa lupaing iyon.
8Kaya sinabi ni Abram kay Lot, “Tayo at ang mga tauhan natin ay hindi dapat mag-away, dahil tayoʼy magkakamag-anak.
9Ang mabuti pa, maghiwalay na lang tayo dahil malawak pa ang lugar na maaaring pagpilian. Ikaw ang mamili kung aling bahagi ng lupain ang pipiliin mo. Kung kakaliwa ka, kakanan ako; kung kakanan ka, kakaliwa naman ako.”
10Tinanaw ni Lot ang buong paligid at nakita niya na ang Lambak ng Jordan hanggang sa Zoar ay sagana sa tubig, katulad ng halamanan ng Panginoon at ng lupain ng Ehipto. (Nangyari ito noong hindi pa winasak ng Panginoon ang Sodoma at Gomora.)