12Mula ngayon hanggang sa susunod pang mga henerasyon, ang lahat ng batang lalaking isinilang sa inyo ay dapat tuliin sa ikawalong araw nito, pati ang mga aliping lalaki na isinilang sa sambahayan ninyo o binili ninyo sa mga dayuhan.
13Kailangang matuli silang lahat, isinilang man ito sa sambahayan ninyo o binili ninyo. Sapagkat ito ang palatandaan sa katawan ninyo na ang kasunduan ko sa inyo ay magpapatuloy magpakailanman.
14Ang sinumang lalaki sa inyong tumangging magpatuli ay huwag ninyong ituring na kababayan, dahil binalewala niya ang aking kasunduan.”
15Sinabi pa ng Diyos kay Abraham, “Tungkol naman sa asawa mong si Sarai, hindi mo na siya tatawaging Sarai, kundi mula ngayon ay Sara na ang itatawag mo sa kanya.
16Pagpapalain ko siya at bibigyan kita ng anak sa pamamagitan niya. Magiging ina siya ng maraming bansa, at ang iba niyang mga lahi ay magiging hari.”