11Pagkatapos, binulag nila ang mga tao na nasa labas upang hindi na nila makita ang pintuan.
12Sinabi ng dalawang anghel kay Lot, “Kung may mga anak ka pa, o mga manugang na lalaki, o mga kamag-anak sa lungsod na ito, isama mo silang lahat at umalis kayo rito,
13dahil lilipulin namin ang lungsod na ito. Narinig ng Panginoon ang mga daing laban sa mga taong ito. Kaya ipinadala niya kami upang lipulin ang lungsod na ito.”
14Kaya pinuntahan ni Lot ang mga magiging manugang niyang lalaki at sinabi, “Magmadali kayong umalis dito dahil lilipulin na ng Panginoon ang lungsod na ito.” Ngunit hindi sila naniwala dahil akala nilaʼy nagbibiro lang si Lot.
15Nang magbubukang-liwayway na, pinagmadali si Lot ng mga anghel na umalis sa lungsod. Sinabi nila, “Bilisan mo! Dalhin mo ang asawa mo at ang dalawang anak mong babae na nandito, at umalis kayo agad, dahil baka madamay kayo kapag nilipol na ang lungsod na ito dahil sa sobrang sama ng mga tao rito.”